Friday, April 22, 2011

Isang Personal na Pagninilay Sa Unang Wika ni Hesus Bago Siya Mamatay sa Krus

Ang Unang Wika:

“Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

-Lukas 23:34-

Isa sa mga bagay na lubha akong nagpapasalamat sa Diyos ay ang pagregalo niya sa akin ng kakayahang makinig sa ibang tao, pakikikinig na hindi lang gamit ang mga taenga kundi ang puso. Totoo, nakakapagod ang makinig lalo na kung ang pinapakinggan mo ay mga bagay na nakakabagot, nakakasawa at nakakapagod na pakinggan: mga problema ng ibang tao, mga kapalpakang ginawa nila sa kanilang buhay, mga desisyong hindi pinag-iisipan, mga utang na hindi mabayaran, mga hinanakit sa mga magulang, sa mga kaibigan at sa buhay at paulit-ulit na mga kuwentong walang katapusan.

Nagpapasalamat ako sa Diyos sa regalong ito sapagkat nakatulong akong mapagaan ang kanilang kalooban sa pamamagitan ng pakikinig na walang halong paghusga. Higit sa lahat, nakapagbigay ako ng kaunting pagpapaunawa tungkol sa kanilang suliranin. Sa pakikinig ko sa mga taong nagbabahagi sa akin, napagtanto ko na madalas nagdedisisyon tayong tao na hindi utak ang ginagamit kundi ang damdamin. Kung kaya, madalas na mali ang desisyon natin, madalas pinagsisisihan natin ang ating mga aksyon at madalas rin nawawala tayo sa ating mga sarili o hindi natin alam ang ating mga ginagawa. Hindi nakakapagtaka na malimit tayong mahulog sa bitag ng pagkakasala dahil sa maling desisyon.

Lahat ng bagay na ating ginagawa ay produkto ng ating desisyon. Mahalaga na pinag-iisipan natin ang lahat ng ating desisyon hindi lang isa, dalawa o makatatlong ulit kundi hanggang sa handa na tayong harapin kung ano man ang maging kalabasan ng ating desisyon at sigurado tayong tama ang gagawin natin.

Kapag desisyon na ang pinag-uusapan, madalas kong marinig sa iba kung mga kaibigan o sa kakilala long tao ang mga katagang “sige lang, ayos lang yan, ang importante masaya ka sa desisyon mo” o minsan may ibang version ang katagang ito at ito ay ang “kung saan ka magiging Masaya.” Kapag naririnig ko ang mga salitang ito agad akong napapaisip na ang desisyon ay hindi lang kung saan ang isang tao magiging masaya kundi kung saan ka magiging totoong masaya. Ano ang ibig kong sabihin dito? Para sa akin dalawa ang uri ng kasiyahan. Ang una ay ang mababaw na uri na kasiyahan na tatawaging kung “Makasariling kasiyahan”. Ito ay nangangahulugang ginawa mo ang isang bagay dahil dito ka magiging masaya kahit alam mong mali ang iyong ginagawa. Halimbawa, may gusto kang isang damit sa mall alam mong magiging masaya ka kapag napasaiyo ang damit na iyon. Ngunit wala kang perang pambili, kaya ang ginawa mo nangupit ka o nagnakaw o ipinambayad mo ang perang hindi naman sa iyo o perang galing sa masama para lang makuha mo ang damit na iyon sa mall. Ang pangalawa naman ay ang “Totoong Kasiyahan”. Ito naman ay tungkol sa desisyon mong maging masaya at gawin ang tama kahit alam mong magsasakripisyo ka o mahirap itong gawin. Gamitin nating halimbawa ang tungkol sa damit sa mall na nasabi ko sa itaas. Para sa totoong kasiyahan, kung alam mong wala kang pera o alam mong masama ang magnakaw, magdedisisyon kang gawin kung ano ang tama kahit alam mong magsasakripisyo ka at ito ay ang huwag nang hangaring mapasaiyo pa ang damit. Magiging masaya ka at makukuntento sa kung ano ang meron ka.

Sa makatuwid, para masunod natin ang kalooban ng ating Panginoon ay mahalagang pag-isipan muna natin ang lahat ng bagay bago natin ito gawin. Pangalawa, alamin natin kung magiging masaya din ba ang Panginoon sa bagay na napagdesisyonan natin. Pangatlo at ang pinakamahalaga sa lahat ay manalangin tayo bago magdesisyon. Mahalagang humingi tayo sa Panginoon ng tulong para makapagdesisyon tayo nang maayos at tama. Hindi rason ang mga salitang “sapagkat ako’y tao lamang” sa kadahilanang binigyan tayo ng Panginoon ng isip at kalooban para ito ang gagamitin natin upang makapagdesisyon nang maayos at nang sa gayon din lahat ng ating ginagawa ay para sa ikakapuri ng Panginoon.


sinulat ni

Owen L. del Castillo

About Me

My photo
i'm a person who loves to do many things!