Saturday, September 19, 2009

TILAMSIK NG MAGPAKAILANMAN: Mga Tulang Inawit sa Katahimikan at Pagtatanghal ng mga Natatanging Larawan


Ito ang una kong aklat at ang ikalawang aklat ni Fr. Vlad. Ipinanganak ang konsepto ng aklat na ito nang akyatin namin ang Bundok ng Bulusan (Mt. Bulusan) sa Sorsogon nang magkaroon kami ng KAPATIRAN 2 (isa itong gawain sa seminaryo na naglalayong makiisa sa kalikasan at mapangalagaan ito).
Ang aklat na ito ay koleksiyon ng mga tula, awit at potograpiya. Ayon kay Fr. Vlad, ang mga tula, awit at at potograpiya ng munting aklat na ito ay nagnanais na maisalarawan ang iba't ibang mga karanasan ng magpakailanman. At para naman sa akin, ang aklat na ito ang siyang pupukaw ng ating mga kamalayan upang maging mulat tayo sa katotohanang lahat tayo ay may kanya-kanyang karanasan ng magpakailanman. Ang mga karansang ito ay maaaring di sapat para makita natin ang ganda ng magpakailanman ngunit ito ay magsisilbing bintana upang masilip natin ang katotohanang tayo ay may kakayanang makita ang magpakilanman sa araw-araw nating karanasan. Nawa'y magsilbi itong salamin upang ating maisip na ang magpakailanman ay ang mabuhay sa Piling ng Diyos Ama.
Nais ko ring ipabasa ang sinulat kong tula na siya ring pamagat ng aklat na ito:

TILAMSIK NG MAGPAKAILANMAN
Owen del Castillo

H'wag mong isasara ang bintana
para sa pagdatal ng umaga.
ang pamamaalam ng kahapon
ay rekwerdong sisilip sa
retrato ng nagaganap...
Maghahanap
Magpipilit.
Igigiit.
Kikilatisin
at pilit na susuriin.

H'wag mong isasara ang mga talukap
ng iyong mga mata
kahit pa nga ito'y namimigat
dahil aabangan mo
ang isang pagsasadula
ng mga nakaraan at ng kaganapan.

Makikita't malalaman mo
na hindi tuldok ang kamatayan.
Hindi katapusan ang paglubog ng araw.
Hindi pagwawakas ang gabi
at hindi pamamaalam ang pagputol ng pusod.

Ang buhay ay misteryo.
Lahat ng bunga ng mga pagpapagod,
lahat ng butil ng luhang
dumalisdis sa iyong pisngi,
lahat ng ngiting parang bahagharing
ipininta sa'yong mga labi,
lahat ng bakas na kumapit
sa lupang humihiyaw,
at lahat ng
pait
tamis,
dagok,
tuwa,
hamon,
tagumpay,
sakit,
ligayaay mga bahagi't tilamsik ng magpakailanman.

No comments:

Post a Comment

About Me

My photo
i'm a person who loves to do many things!